Halik at Higanti ng Lupa
September 18, 2008
Sinabi mong ako ay iyo
Ikaw na anak ng unang tao
Na dumuro sa kaibigan kong hubad,
Nakayapak at sunog ang balat
Sa walang sawang pag-aruga sa akin
Mula sa pagbisita ng araw at ulan
Kahit sa agaw-dilim
Hindi nagmaliw na ako’y pakainin
At pawiin
Ang natutuyo kong lalamunan
Sa malaong pagkatigang
Nagbudbod ng biyayang usbong
Palalaguin hanggang pagyabong
Sa kapakinabangan ng katulad niyang
Umaasam sa aking pagpapaubaya
At masaganang pagpapala
Ikaw na nagbitbit ng pahina
Nagwasiwas ng kontrata
Na magtatali sa akin sa iyong dikta
Sa makasarili mong pagpapasya
Ikaw na kaulayaw ng mga dayo
Na dumurog sa kaibuturan ko,
Nangwasak sa aking likas na anyo,
Nagnakaw sa aking yamang tago
Ikaw na nagdulot ng aking pagkasawi
Halikan mo ako
Halikan mo ang bawat tipak ng aking mukha
Hanggang sa sandaling angkinin kita
Anim na piye sa aking kailaliman
At, sa wakas,
Makapiling ng mga uod
At magsilbi kahit nabubulok
At sa akin ay magpapataba
(This is a poem i submitted to the Amado V. Hernandez Resource Center for their collection of poems on peasant issues. Luckily, this was printed in October 2007)
Leave a Reply