Bakit nila pinapatay ang ating mga bayani?
September 24, 2005
[alas-6:30, mensahe sa celfone]
Binaril si Ka Fort kaninang alas-sais.
2 tama ng bala sa
kanyang likod.
[Nalilito ang mga kasama sa opisina.
Anong nangyari kay Ka
Fort?
Tumawag tayo sa mga
kasama sa region.
Sana buhay pa siya.
Sinong nag-text?
Kumpirmahin natin.
Hindi magandang biro
yan?
Anong nangyari kay Ka
Fort?]
Nangyari na ito
Ilang ulit na rin
Ikinukubli natin ang mga luha sa pagtatanong
Maaaring nagkamali ang balita
Maaaring nagbibiro ang naghatid
Maaaring buhay pa siya
Ngunit, hindi.
Makailang-ulit nang nangyari ‘to
Pero nagtatanong pa rin tayo
Bakit nila pinapatay ang mga busilak ang puso?
Bakit nilulugmok ang nangahas tumayo?
Bakit dinidilig ang lupa ng dugo ng mga bayaning
Dinadakila ng maraming tao?
Sa gitna ng pagkalito at lungkot
Batid naman natin ang sagot
Dahil ilang beses na tayong nagtanong
At sila mismo ang may tugon,
Dahil walang kasing-itim ang kanilang budhi.
Dahil duwag sila sa patas na laban
Dahil alam nilang sa timbangan ng kasaysayan
Kaybigat tumbasan ang kanilang kalaban
Nagtatanong tayo’t sumisigaw
Sumisigaw tayong may kapasyahan
Katarungan!
Katarungan para kay Ka Fort
At sa lahat ng bayani ng masang anakpawis!

Leave a Reply